Monday, May 21, 2012

Technopark ni Mayor Lorna Silverio, Nanganganib Magsara?


(SAN RAFAEL, BULACAN) Diumano’y nanganganib ang kinabukasan ng Technopark ni Mayor Lorna Silverio, bunsod ng isang desisyon ng korte tungkol sa pagkahaba-habang alitan sa pagitan ng mag-amang Carding at Ricky Silverio.

Ang 8.8 na ektaryang Pilipinas Development Corporation – Information Technology Park (PDC – IT), siyang tinanghal na kauna-unahang “special economic zone) sa probinsiya, ay bunga ng mga pagsisikap ng dating Mayor at Congressman na si Ricardo “Carding” Silverio Sr. at ang kanyang ikalawang asawa, si Mayor Lorna Cillan-Silverio.

Diumano’y sinasabi ni Silverio Sr. na siya ang may-ari ng mayorya ng mga shares of stock ng PDC.

Ang korporasyong PDC ang legal na may-ari ng lupang kinatitirikan ng PDC-IT Technopark. Aktibo ang mag-asawa, sa tulong ng kanilang apo na si Mark Silverio-Dee, sa pagpapatakbo ng PDC-IT mula pa noong una, at nagagawa nila ito dahil sa kanilang “claim of control” sa PDC.

Kamakailan lamang ay naglabas ng press release ang Philippine Information Agency na nagsasabing may ilan nang mga foreign investors ang nagpakita ng interes sa pagtatayo ng mga hanapbuhay sa nasabing lugar. Kabilang daw sa mga ito ang business process outsourcing giant na Sutherland Global Services at ang electronics firm na Sharp Philippines Incorporated.

Ngunit batay sa mga tala ng korte, diumano’y lumilitaw na sina Tata Carding at Tita Lorna ay nakikialam ng isang bagay na hindi naman pala sa kanila noong una pa man.

Kontrobersiya sa Pilipinas Development Corporation

Maraming komplikasyon ang hinaharap ng PDC. Ang labanan sa pagmamay-ari ng kumpanya ay napakatagal nang pinaglalaban simula po noong dekada ’80. Sa isang banda ay ang mag-asawang Mayor at sa kabila naman ay si Ricardo “Ricky” Silverio, Jr., isa sa mga anak ni Tata Carding mula sa kanyang unang asawa.

Batay sa isang ulat mula sa Philippine Star, ang PDC ay isang family-owned na kumpanya na ang orihinal na mayoryang may-ari ay ang nasirang Beatriz Sison, ang unang asawa ni Tata Carding at siya ring ina ni Ricky Jr.

Diumano’y walang naiwang “last will and testament” si Beatriz noong siya’y pumanaw noong 1987, at dito sa panahong ito nag-umpisa ang mapait na bangayan ng mag-ama sa loob at labas ng hukuman.

Batay sa mga tala ng hukuman, ang bangayan tungkol sa kung sino ang magmamana ng PDC shares ay lalong naging magulo isang taon matapos ang pagpanaw ni Beatriz.

Noong 1988, biglang lumitaw ang pangalang Lorna Cillan sa SEC General Information Sheet (GIS) ng PDC.

Ayon sa 1988 GIS ng PDC, si Lorna Cillan ang siya nang may-ari ng karamihan sa mga naiwang mga PDC shares, sa kabila ng kawalan ng kahit anong rekord tungkol dito noong mga nakalipas na taon.

Si Lorna Cillan ay ang corporate secretary ni Tata Carding mula pa noong 1969, at nagpakasal ang dalawa noong 1998, matapos ma-annul ang kasal ni Cillan sa kanyang unang asawa.

Deka-dekada ang inabot ng labanan ng mag-ama sa hukuman, at walang malinaw na pasya ang nagmula sa mga korte tungkol sa isyu ng pagmamay-ari ng PDC.

Ngunit kamakailan lamang ay tila nagsalita na ang hudikatura tungkol rito.

(Para sa mas malinaw na talakayan, mula sa puntong ito ay tatawagin nating “Tata Carding” si Silverio Sr., at “Ricky Jr” naman ang kanyang anak na si Ricardo Silverio Jr.)

Ama "Ricardo Silverio Sr." laban sa Anak na "Ricardo Silverio Jr."

Noong Enero ng kasalukuyang taon, sa isang 30-pahinang desisyon sa kasong CA-G.R. CV NO. 92816 na pinamagatang PDC-Silverio Sr v. Silverio Jr, et Al, epektibong tinanggal ng hukuman ang lahat ng karapatan ni Tata Carding sa PDC at mga pag-aari nito.

PDC-SilverioSr vs SilverioJr


Kasama rito ang PDC-IT Technopark, ang Economic Zone sa San Rafael, Bulacan.

Batay sa teksto ng desisyon, sinabi ni Tata Carding na “Ricky Jr. broke into Atty. [Marcelo] Villanueva and [unlawfully] took the Stock and Transfer Book of PDC”. (Pinasok ni Ricky Jr ang opisina ni Atty. [Marcelo] Villanueva at ninakaw ang Stock and Transfer Book ng PDC.)

Sinasabi ni Tata Carding Silverio na dahil rito ay nakaya ni Ricky Jr na ma-peke ang mga dokumento at mapasakanya ang mga ito.

Samantala, mula sa parehong dokumento, “[Ricky]denied all imputations… and insisted that his father is not and was never a stockholder of PDC” and that “the funds used in organizing it came exclusively from his deceased mother.

(Itinatwa ni Ricky Jr ang lahat ng mga paratang... at diniin na ang kanyang ama ay hindi at hindi kailanman naging stockholder ng PDC. Sinabi rin ni Ricky na ang mga pondong ginamit para buuin ang PDC ay mula sa kanyang pumanaw na inang si Beatriz lamang.)

Idinagdag rin ni Ricky Jr na “the certificates of stock… were delivered to him by the late Atty. Marcelo Villanueva, the former corporate secretary of PDC.

(Idinagdag rin ni Ricky Jr na si Atty. Marcelo Villanueva, ang dating corporate secretary ng PDC, ang mismong nagbigay sa kanya ng mga certificates of stock ng nasabing korporasyon.)

Tresspassing ang Tata Carding at Tita Lorna Silverio?

Matapos marining ang parehong panig, si Court of Appeals 9th Division Presiding Associate Justice Romeo Barza ay nagdesisyong kilalanin ang validity ng 2008 Makati RTC decision na siyang kumilala naman sa karapatan ni Ricky Jr sa mga naiwang shares ng PDC.

Dinismiss ni Barza ang reklamo ni Tata Carding. Sinabi ni Barza na wala namang karapatan si Tata Carding sa PDC mula pa noon.

Sinabi ni Barza na si Tata Carding  “does not have the standing to seek annulment of the endorsement [to Ricky] of the disputed shares,” batay na rin sa pag-amin ni Tata Carding na “ [he] is not the registered owner of the alleged stolen shares of stock.

(Sinasabi ni Barza na si Tata Carding ay wala sa posisyon upang humingi ng pagpapawalang-bisa ng paggawad [kay Ricky Jr] ng nasabing mga shares, batay na rin sa pag-amin mismo ni Tata Carding hindi siya ang rehistradong may-ari ng mga diumano’y ninakaw na shares ng stock.)

Sa kabila nito, ipinipilit pa rin ng mag-asawang Silverio na linangin ang PDC-IT, batay na rin sa press release ng Philippine Information Agency noong ika-28 ng Abril.

Batay sa isang source na hindi gustong mapangalanan, naghihintay lamang si Ricky Jr ng pinal na desisyon mula sa Korte Suprema sapagkat inaasahan niyang lalaban ang kanyang ama hanggang sa huli.

Isa lamang ito sa mga pagkahaba-habang mga legal na bakbakan sa pagitan ng anak na si Ricardo Silverio Jr, ang amang si Ricardo Silverio Sr, at ang sekretaryang naging asawa na si Lorna Cillan-Silverio, ang kasalukuyang alkalde ng San Rafael, Bulacan.

No comments:

Post a Comment